Karahasan sa Kidapawan, kinondena ng mga simbahan

 

Ikinagalit ng mga namumuno sa mga simbahan ang naging marahas na pagtugon ng mga pwersa ng pamahalaan sa mga nagugutom na magsasakang umaapela ng tulong sa Kidapawan City, North Cotabato.

Kinondena ng mga obispo mula sa Spottwoods United Methodist Church at Catholic Bishops Conference of the Philippines ang nasabing insidente, na parehong naglabas ng hinanakit sa naging hakbang laban sa mga nag-protesta.

Sa pahayag ni Bishop Ciriaco Francisco ng Spottswood United Methodist Church, iginiit niya na ang paghingi ng pagkain ng mahihirap na magsasaka ay hindi isang kasalanan, bagkus ang pagkakait nito sa kanila ang masama.

Isa rin aniyang matinding paglabag sa tama at nararapat ang paggamit ng bala at baril laban sa mga magsasakang humihingi ng tulong.

Dagdag pa ni Francisco, walang maayos na maikakatwiran sa ginawang pagpatay ng ilang miyembro ng Pambansang Pulisya.

Gayundin ang tindi ng pag-kondena ng public affairs chief ng CBCP at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa naganap na marahas na insidente.

Ayon kay Pabillo, hindi ito ang tamang pag-tugon sa mga problema at hinaing ng mga magsasaka.

Aniya pa, ang El Niño ay hindi tulad ng bagyo na posibleng ikabigla ng pamahalaan ang pananalasa dahil mayroon naman nang naunang forecast tungkol dito na dapat ay matagal nang napaghandaan.

Giit ni Pabillo, walang ginawa ang pamahalaan para bigyang solusyon ang problemang ito ng mga magsasaka.

Matagal na rin aniyang nananawagan ang Simbahang Katoliko kaugnay sa problemang ito sa pamahalaan ngunit wala namang pumapansin sa kanila.

Nakakabahala na aniya na ang mga pulis at militar ay kadalasang ipinapadala para manakit at pumatay ng mga mahihirap, magsasaka man, lumad o mga manggagawa.

Read more...