Pinamamadali na ni Senator Risa Hontiveros sa National Security Council ang pagsasagawa ng security audit sa Dito Telecommunity, na pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy at gobyerno ng China.
Ipinunto ni Hontiveros na sa darating na Marso na ang commercial rollout ng itinuturing na 3rd major telco sa bansa.
“Hindi pa nareresolba ang mga pangamba natin sa Dito Telco. Habang patuloy ang pambu-bully ng Tsina sa West Philippine Sea sa gitna ng pandemya, nag-roll out naman tayo ng red carpet para sa isang kompanyang direktang nagre-report sa gobyerno ng Tsina,” sabi ng senadora.
Diin ni Hontiveros. lubhang nakakabahala ito kayat hinihiling niya ang pagsasagawa ng NSC ng security audit sa Dito Telecom.
Dagdag pa nito, dapat ay kumuha ang NSC ng independent security auditor para magsagawa ng kanyang hinihingi tulad ng ginawa ng National Telecommunications Commission na technical audit sa Dito.
“Kung nagkaroon ng technical audit, dapat may security audit din. Knowing that Dito is safe from China’s incursions is as vital as knowing Dito’s technical capabilities,”dagdag pa ni Hontiveros.
Sa pagdinig sa Senado ukol sa prangkisa ng Dito, inamin na ng NSC na wala silang cyber defense doctrine kontra sa cyber attacks kaya sinabi ni Hontiveros, ”nakakabahala na wala pa lang konkretong istratehiya ang NSC sa usapin ng cybersecurity. China can easily take advantage of this. Sinasakop na nila an gating karagatan ng harap-harapan. Nothing is stopping it from doing the same to our data.”