Tinanggal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mapa ng Pilipinas sa disenyo ng mga bagong Passport na ilalabas ng kagawaran.
Ayon kay Foreign Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca, kinailangan nilang tanggalin ang ilustrasyon ng mapa ng bansa mga bagong e-passport dahil sa ‘political sensitivity’ ng isyu partikular sa agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea.
Paliwanag ni Cimafranca, sa isang pagpupulong, nagdesisyon ang interagency group na nag-evaluate sa e-passport design na alisin muna ang mapa dahil hindi ito akma sa lawak ng sakop ng Pilipinas, batay sa isinasaad ng Saligang Batas.
Sa bagong passport design, makikita na lamang ang mga lyrics ng Pambansang Awit at mga kilalang tourist spots sa bansa tulaad ng Banaue Rice terraces.
Una rito, nagpasya ang Kagawaran na baguhin ang e-passport design upang i-upgrade ang security features nito.
Nakatakdang ilabas ng DFA ang mga bagong pasaporte sa susunod na buwan./ Jay Dones
Excerpt: Dahil sa ‘political sensitivity’ nagdesisyon na alisin muna ang mapa ng Pilipinas sa mga pasaporte.