Kidapawan incident, iimbestigahan na rin ng Senado

 

Williamor Magbanua/Inquirer

Magsasagawa ang Senado ng kanilang sariling imbestigasyon kaugnay sa insidente sa Kidapawan City, North Cotabato na ikinasawi ng 3 magsasakang nagpo-protesta at ikinasugat ng marami sa magkabilang panig ng mga rallyista at mga pulis.

Magpapadala ang Senado ng isang kumite na magsasagawa ng pagdinig sa University of Southeastern Philippines sa Davao City, sa Huwebes.

Dito magkakaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka na nananawagan ng ayuda sa harap ng Senado, at mas madali silang makakadalo sa imbestigasyon.

Ayon kay Senate committee on justice and human rights chair Sen. Aquilino Pimentel III, doon nila napiling ganapin ang kanilang pagdinig dahil malapit ito sa pinangyarihang insidente sa Kidapawan City.

Kinumpirma naman nina Senators Teofisto Guingona III at Alan Peter Cayetano na dadalo sila sa pagdinig, at tiniyak na pakikinggan nila ang testimonya ng lahat ng mga partidong nasangkot dito.

Bukod sa pakikinig sa mga salaysay, umaasa si Cayetano na mapunto nila ang pinaka-ugat ng isyung ito nang sa gayon ay mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng karahasang nangyari.

Una naman nang nagsabi ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magsasagawa rin sila ng kanilang imbestigasyon.

Read more...