Inuunti-unti na ni Armed Forces chief Gen. Hernando Iriberri ang kaniyang pamamaalam sa mga sundalo para sa nalalapit niyang pagre-retiro ngayong buwan.
Ayon kay AFP public affairs chief Col. Noel Detoyato, nagsimula na si Iriberri sa pag-iikot sa mga units noon pang isang linggo.
Bagaman aniya mahigpit pa rin ang schedule ng heneral, tinitiyak nito na maisisingit niya ang paunti-unting pag-bisita sa mga sundalo para makapagpaalam bago mag-retiro.
Pagdating kasi ng April 22, sasampa na sa retirement age na 56 ang edad ni Iriberri, ngunit wala pang itinatalagang kapalit si Pangulong Aquino.
Sa kabila naman ng posibilidad na ma-extend ang kaniyang termino, mas pinagtutuunan ni Iriberri ang kaniyang pagre-retiro.
Ani pa Detoyato, marami pang hindi napupuntahan si Iriberri, lalo na ang mga units na minsan niyang kinabilangan noong siya pa ay nagsisimula.
Aniya mahalaga kasi para sa kanilang mga sundalo ang mga units kung saan sila itinalaga noon.