DENR at environmentalists, may banta sa buhay mula sa illegal loggers
Nakakatanggap ng mga banta sa buhay ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon province dahil sa panunumbalik ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal logging sa Sierra Madre.
Ayon kay Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) assistant executive director Zander Bautista, may mga mensaheng nakakarating sa kanila na ilalagay sila sa mga kabaong na inihahanda ng mga nagbabanta sa kanila.
Sa kabila nito, naninindigan pa rin sila sa pagbabalik ng kanilang kampanya kontra illegal logging dahil hindi na rin naman na aniya bago sa kanila ang pagkakaroon ng banta sa kanilang buhay.
Ayon naman sa pinuno ng Community Environment and Natural Resources Office (Cenro) sa Real na si Miliarete Panaligan, nakatatanggap na rin siya ng mga katulad na banta na posibleng mula sa mga operator ng illegal logging sa kanilang lugar.
Ang pinakahuli pa nga aniya ay may nagpadala sa kaniya ng bulaklak at kandila para takutin siya at ang kaniyang mga tauhan, pero ani Panaligan, ipagpapasa-Diyos na lamang niya ang mga ito.
Ani pa Panaligan, masyadong delikado ang tungkulin ng DENR na bantayan ang Sierra Madre mula sa mga mapagsamantalang namumutol ng mga puno.
Ang parehong ikinababahala nina Bautista at Panaligan ang kanilang mga tauhan na wala namang laban sa mga nagbabanta sa kanilang buhay.
Higit nilang pinangangambahan ang kaligtasan ng isa sa kanilang kasamahan na kabilang sa tribo Agta, dahil ang isang suspek sa illegal logging operations ay isa ring Agta.
Nakakarating umano sa kanila ang mga banta sa pamamagitan ng mga residente sa bundok, ngunit ayon kay Bautista, hindi na isinusumbong ng kaniyang grupo ang mga banta sa pulisya dahil naniniwala silang wala rin namang magbabago.
Kaya naman dagdag ingat na lamang sila ngayon para maprotektahan ang kanilang kaligtasan.
Napagdiskitahan ng mga illegal loggers at timber poachers ang SSMNA makaraang ilantad ng grupo ang pagbabalik operasyon ng mga ito sa Inquirer, na inilathala naman noong nakaraang buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.