FDA, pinagpapaliwanag sa pahayag ukol sa Sinovac
Nais ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano na linawin ng Food and Drug Administration (FDA) ang naging pahayag nito ukol sa Chinese vaccine na Sinovac.
Ayon kay Paduano, binigyan ng FDA ng Emergency Use Authorization o EUA ang Sinovac pero sinabi naman na hindi ito inirerekomenda para sa mga senior citizen at healthcare worker.
Lumalabas aniya na ang EUA na inisyu ng FDA para sa Sinovac ay “half-baked,” kaya mas makabubuti kung magbibigay-linaw dito ang ahensya.
Paliwanag ni Paduano, hindi makatutulong ang nasabing pahayag ng FDA sa mass vaccination program ng pamahalaan.
Ang magkasalungat aniyang pahayag ng FDA ay nagdudulot lamang ng mga pagdududa sa efficacy ng bakuna.
Sinabi rin na Paduano na dahil sa pahayag ng FDA ay napasama pa ang imahe ng bakuna na nakaapekto naman sa pagtitiwala ng mga tao sa pagpapabakuna.
Sa pahayag ni FDA Dir. Gen. Eric Domingo, may EUA na ang Sinovac subalit hindi ito inrerekumenda para sa lahat ng health workers lalo na ang may “high risk exposure” sa COVID-19, at sa mga nakatatanda dahil sa “varying levels” ng efficacy base sa resulta ng clinical trials sa Brazil, Turkey at Indonesia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.