Iniulat ni Agriculture Secretary William Dar na sapat na ang suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila. Bukod dito aniya bumaba na rin ang presyo ng karne ng baboy. Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar, kinamusta ni Sen. Risa Hontiveros kay Dar ang tatlong linggong pagpapatupad ng 60-day price ceiling sa karne ng baboy. Sa tugon ni Dar sa senadora, sinabi nito na nakakarating na sa Metro Manila ang mga karne ng baboy na nagmumula sa iba’t-ibang rehiyon. Dagdag pa niya, ikukunsidera na rin ang pagbibigay rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na paigsiin o bawiin na ang 60 araw na pagpapatupad ng price ceiling. Nagpalabas si Pangulong Duterte ng Executive Order 124 para malimitahan ang presyo ng mga karne ng baboy at manok.
MOST READ
LATEST STORIES