Tatlo na ang patay dahil sa nararanasang malakas na pag-ulan sa Bulacan simula kahapon hanggang ngayong araw dulot ng habagat.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Bulacan, ang dalawa sa nasawi ay nabagsakan sa magkahiwalay na insidente ng pagguho ng pader sa Meycauayan, habang ang isa naman ay nalunod.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Bulacan PDRRMC head Liz Mungcal na ang biktimang si Demetrio Ylasco ng barangay Iba sa Meycauayan ay nasa loob ng kanilang bahay nang bumagsak ang pader ng Lepedema Factory at natabunan ang bahagi ng kanilang tahanan.
Ang isa pang insidente ay naganap sa barangay Pantoc, kung saan gumuho din ang pader ng RLMU trucking at nadaganan ang isang taong gulang na bata na si Irene Lamugho.
Ayon kay Mungcal, malakas ang buhos ng ulan sa Meycauayan kahapon at posibleng lumambot ang lupa sa dalawang nabanggit na barangay na naging sanhi para bumagsak ang pader.
Samantala, ang isa pang nasawi ay kanilalang si Aljon Lapitag Jr., 5 taong gulang na inanod naman ng pasukin ng tubig baha ang kanilang bahay sa Barangay Camalig sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan kahapon, Miyerkules.
Sa pinakahuling datos ng Bulacan PDRRMC, umabot na sa 57 pamilya mula sa Brgy. Bahay Pari, Malhacan at Caingin at 80 katao mula sa Brgy. Calvario sa Meycauayan ang inilikas./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.