Panukala para sa pagbili ng COVID-19 vaccines at pagbabakuna lusot na sa 2nd reading ng Kamara
Nakalusot na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa mabilis na pagbili at pagbabakuna ng gamot laban sa COVID-19 ng national government at mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, pabibilisin ang pagbili at pagtuturok ng bakuna upang matiyak na lahat ng mga Pilipino ay makakatanggap nito.
Sa ilalim nito, hindi na kailangan pa ng mga LGU na magsumite ng mga kinakailangang requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act ngunit kailangan itong pumasok sa multi-party agreement kasama angDOH at National Task Force Against COVID-19.
Simula January 1, 2021 hanggang December 31, 2023 ay walang babayarang buwis at iba pang bayarin ang pagpapasok sa bansa ng COVID-19 vaccines, ito man ay sa gobyerno o sa private entities.
Magkakaroon din ng Vaccine Passport Program na siyang magsisilbing talaan ng mga Pilipinong nabakunahan na kontra COVID-19.
Bubuo rin dito ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na popondohan ng P500 milyon para pambayad danyos sa mga mababakunahan na magkakaroon ng adverse effects o magkakaproblema dahil sa bakuna.
Nakasaad din sa panukala na papayagan na ang mga pharmacists at mga midwives na mag-administer o magsagawa ng pagbabakuna kaakibat na may sapat na pagsasanay para rito.
Kapag naging ganap na batas magiging epektibo ito hanggang nasa state of calamity at public health emergency ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic o hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte sa June 30, 2022 maliban na lamang kung maaagang maaalis o palalawigin pa ang state of calamity.
Noong nakalipas na lingo, sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala noong nakaraang linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.