Notice of violation isinilbi ng Bacolod LGU sa Dito Telecom

Nag-isyu ang Office of Building Official ng pamahalaang-lungsod ng Bacolod ng Notice of Violation sa Dito Telecommunity dahil sa umanoy ilegal na pagpapatayo ng cellsite.

Ang sinasabing cellsite ay itinayo sa Purok Himaya, Barangay Alijis sa naturang lungsod.

Nabatid na inisyu ang notice noong nakaraang Pebero 16.

Ayon kay Engr. Nestor Velez, head ng Office of Building Official, nilabag ng DITO, ang third telco player ng bansa, ang Section 301 ng PD 1096 o ang National Building Code of the Philippines.

Isa sa mga probisyon sa batas ay, ” no person, firm or corporation, including any agency or instrumentality of the government shall erect, construct, alter, repair, move, convert or demolish any building or structure or cause the same to be done without first obtaining a building permit therefor from the Building Official assigned in the place where the subject building is located or the building work is to be done.”

Binigyan ang Dito Telecom ng tatlong araw para makipag-ugnayan sa opisina ni Velez.

Agad din ipinahihinto ang konstruksyon ng cellsite.

Una nang umalma ang mga residente ng lugar at sumulat sila sa mga lokal na opisyal para pormal na iparating ang kanilang pagtutol sa aktibidad ng Dito Telecom.

Isinumite rin nila ang resolusyon na pinirmahan ng mga tumututol na residente na nangangamba sa epekto ng over-saturation ng electromagnetic at wireless radiation exposure sa kalikasan.

Noong nakaraang Disyembre lang, kinasuhan ng pamahalaang-lungsod ng Malabon ang Dito Telecom dahil sa sinasabing ilegal na pagpapatayo ng cellsite sa Barangay Tinajeros.

Read more...