Sa halip na walong oras, lilimitahan na lamang ang face-to-face classes.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay kung aaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na buksan na ang face-to face classes sa gitna ng patuloy na pandemya sa Covid 19.
Ayon kay Roque, pag-uusapan pa sa Lunes, Pebrero 22 kung possible nang ibalik ang face-to face classes.
“Pero ngayong naintindihan na natin itong new variant na ito at mukha namang wala pa tayong community transmission sa new variant ay bubuhayin muli ang pag-uusap tungkol sa face-to-face dahil kagaya ng sinabi ni Secretary Briones, parang tayo na lang po ang bansa na wala pang face-to-face sa buong mundo,” pahayag ni Roque.
Maari naman aniyang isagawa ang face-to-face classes ng isa o tatlong oras kada linggo.
“At hindi naman sinabi na palibhasa face-to-face, iyan po ay eight hours, five days a week; pupuwede namang one hour per week or three hours per week basta mayroon lang pong kombinasyon ng module, ng computer-aided at saka face-to-face kung kinakailangan makipag-ugnayan sa mga guro,” pahayag ni Roque.
Matatandaang sa halip na Agosto, nagbukas ang klase noong Oktubre.
Online at module ang naging proseso ng Department of Education at ipinagbawal muna ang face-to-face para makaiwas sa Covid 19.