Coast Guard handa na sa magiging epekto ng bagyong Auring
Inalerto na ang lahat ng Philippine Coast Guard (PCG) units sa mga lugar na direktang tatamaan ng bagyong ‘Auring.’
Sinabi ni Commodore Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, may direktiba na ang kanilang pamunuan para sa gagawing paghahanda ng kanilang mga tauhan.
Kabilang ang pagpapalakas ng kanilang precautionary measures para maiwasan ang anumang insidente sa karagatan at ang pagsasagawa ng “proactive disaster response operations.”
Dagdag pa nito nasa heightened alert na ang kanilang Coast Guard Districts sa Davao Region, Northern Mindanao, Visayas at Southern Luzon.
Ginawa aniya nila ito para masiguro na kumpleto at nakahanda ang kani-kanilang deployable response groups (DRGs) at quick response teams (QRTs).
Kaugnay nito, sinabi ni Balilo na ang Coast Guard vessels, air assets at land mobility mula sa headquarters at major units ng PCG ay naka-standby na para sa posibleng augmentation deployment lalo na sa evacuation at rescue operations.
Dagdag ni Balilo, ang station commanders at safety inspectors ng PCG sa mga apektadong lugar ay nag-isyu na ng mga abiso sa mga mangingisda, ship crew, at iba pang maritime stakeholders para sa pagpapatupad ng ‘no sail policy” o pagbabawal sa pagbiyahe o paglalayag sa kasagsagan ng masamang panahon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.