Pangulong Duterte inip na sa pagdating ng Covid 19 vaccine
Inip na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdating sa bansa ng mga bakuna kontra Covid 19.
Pahayag ito ng Palasyo matapos maantala ang pagdating ng bakuna na gawa ng Pfizer dahil sa mga kinakailangan na dokumento gaya ng indemnity agreement.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dahil nagsalita na ang Pangulo, maaring maging mabilis na ang paggalaw ng lahat.
“Pero tatapatin ko kayo, si Presidente ang nagsalita na siya mismo naiinip na, kinakailangan dumating na ang mga bakuna. Kaya naman siguro dahil nagsalita na ng ganyan ang Presidnete eh gagalaw na ng mabilis ang lahat,” pahayag ni Roque.
Iginiit pa ni Roque na ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangan para mapabilis ang pagdating ng bakuna.
Sinertipikahan na rin aniya ng Pangulo bilang urgent bill ang panukalang batas na sasagutin na ng gobyerno ang pagbabayad ng danyos sakaling may masamang epekto ang bakuna.
Bukod sa Pfizer, maantala rin ang pagdating sa bansa ng 600,000 doses ng Sinovac vaccine dahil sa kawalan ng emergency use of authorization mula sa Food and Drug Administration.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.