Senior Citizens partylist group natuwa sa desisyon ng IATF sa ‘senior pensioners’
Ikinalugod ni Senior Citizens partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang desisyon ng Inter-Agency task Force (IATF) na hindi muna obligahin ang mga nakakatanda na personal na magpakita sa pension-issuing agencies para hindi maantala ang pagtanggap nila ng kanilang buwanang pensyon.
Sinabi ni Ordanes na sa ginawa ng IATF na inanunsiyo ni Presidential spokesman Harry Roque mapapanatag na ang loob ng mga nakakatandang pensioner hinggil sa kanilang pensyon.
“Nakakatiyak ako na sa hakbang ng Malakanyang at IATF mawawala na ang mga pangamba ng mga pensioner na maaring maputol ang kanilang pensyon kapag hindi sila personal na nakapunta sa mga kinauukulang ahensiya tulad ng Government Service Insurance Service at Social Security System,” sabi ni Ordanes.
Diin nito, delikado sa mga senior citizen na lumabas ng kanilang bahay kaya’t labis nilang ipinag-aalala ang kanilang pensyon kung hindi sila makakasunod sa ‘personal appearance policy’ ng pension-issuing agencies.
Kaya’t aniya sa naging desisyon ng IATF mababawasan pa ang intindihin ng mga senior pensioner sa paghuhugutan nila ng panggastos araw-araw.
“Patunay lang po ito na lubos na pinagmamalasakitan at iniingatan ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang mga senior citizen,” sabi pa nito.
Una na rin umapila si Ordanes sa GSIS at SSS na patuloy na hindi obligahin ang mga senior citizen na magpakita ng personal para sa tuloy-tuloy na pagtanggap ng pensyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.