#AuringPH, posibleng maging Severe Tropical Storm sa susunod na 48 oras – PAGASA
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Tropical Storm Auring sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, huling namataan ang bagyo sa layong 640 kilometers East Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Sa ngayon, nasa gitna pa aniya ng karagatan ang sentro ng bagyo kung kaya wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang parte ng bansa.
Gayunman, ani Rojas, nagdudulot na ng pag-ulan ang trough ng bagyo sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Habang kumikilos pa-Kanluran, asahan aniyang lalakas pa ang bagyo at aabot sa Severe Tropical Storm sa susunod na 48 oras.
Posible rin aniyang mag-landfall ang bagyo sa Caraga sa araw ng Linggo, February 21.
Samantala, patuloy naman aniyang umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan na nakakaapekto sa buong Luzon at ilang parte ng Visayas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.