Tanggalan sa trabaho maiiwasan kapag naipasa ang Bayanihan 3

Tiwala si House Committee on Labor and Employment chairman Enrico Pineda na maiiwasan ang retrenching sa mga manggagawang Pilipino oras na matuloy ang wage subsidy program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakapaloob sa Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3).

Sinabi ni Pineda na ang proposal nila at ng DOLE ay i-subsidize ng pamahalaan ng 25 hanggang 50 percent ang sahod ng mga manggagawa.

Ayon kay Pineda, aabot sa mahigit 400,000 manggagawa sa formal economy ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, habang mas marami pa mula naman sa informal economy.

Nauna nang inihain ni Speaker Lord Allan Velasco ang House Bill 8628 o ang proposed Bayanihan 3, na gagamit ng P420-billion na pondo para sa masindihan ang ekonomiya ng bansa.

Sa ilalim ng panukalang batas, nakapaloob ang P52 billion na inilalaan para sa wage subsidies.

Sinabi ni Velasco na 224 kongresista mula sa supermajority, minority at independent blocs ang lumagda sa House Bill 8628 bilang principal o co-authors.

Read more...