Bwelta ng Palasyo sa pahayag ni Lacson: Abogado si Pangulong Duterte

PCOO Facebook photo

Abogado si Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya batid nito ang nilalaman ng Konstitusyon.

Bwelta ito ng Palasyo sa pahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat na magbasa ng Konstitusyon si Pangulong Duterte para ituwid ang pahayag na ang pangulo ang bukod tanging may desisyon sa mga international agreement gaya ng Visiting Forces Agreement.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakapasa rin sa Bar examinations si Pangulong Duterte.

“Binasa po ang Constitution, binasa po ng ating Presidente iyong ating Saligang Batas at napasa po niya ang bar exam, kung saan tinanong po ang Saligang Batas, bilang isang area of examination. Iyon lang po at magandang umaga po sa inyong lahat,” pahayag ni Roque.

Wala aniyang kaduda-duda na ang Chief Executive o ang Pangulo ng bansa ang chief architect sa foreign policy.

“Wala pong kaduda-duda na ang Chief Executive o ang Pangulo ang chief architect po ng ating foreign policy. Iyan po ay hindi nakasaad sa ating Saligang Batas, pero iyan po talaga ay naging desisyon na ng napakadaming desisyon ng ating Korte Suprema,” pahayag ni Roque.

Tama naman aniya na ang tratado ay kinakailangan ng concurrence ng Senado, pero ito ay instrumento lamang para sa foreign policy.

“Now, pagdating naman po doon sa tratado tama po kayo, nakasaad po sa Saligang Batas na ang mga tratado kinakailangan ng concurrence ng Senado. Pero ang tratado po ay isang instrumento lamang para sa foreign policy. At ito pong concurrence ng Senado ay kinakailangan dahil iyong akto ng concurrence ay ang siyang dahilan kung bakit nagiging batas po ang isang tratado. Now, ang VFA po ay hindi tratado, iyan po ay naging desisyon na ng ating Korte Suprema sa Bayan versus Zamora at saka sa kaso ng Salonga versus Executive Secretary,” pahayag ni Roque.

“Ito po ay pagpapatupad lamang ng isang tratado at ang tratado na pinapatupad ng VFA ay ang Mutual Defense Treaty. Tama po kayo na mayroon pong nakabinbin na kaso ngayon sa ating Korte Suprema na ang isyu ay kung kinakailangang mag-concur ang Senado sa pag-alis natin doon sa Visiting Forces Agreement. Pero bagama’t wala pa pong desisyon, wala naman pong Temporary Restraining Order na naisyu ang ating Korte Suprema na dahilan para ang Presidente ay pupuwede pong bumitaw sa VFA kahit kailan po,” pahayag ni Roque.

Read more...