Kinastigo ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy V ang kawalang aksyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa operasyon ng Small Town Lottery sa kanilang lalawigan.
Sa pagdinig ng House Committee on Games and Amusement at House Committee on Good Government and Public Accountability na walang ginagawa ang PCSO sa mga paglabag sa batas ng operator ng STL sa Isabela.
Sinabi ni Dy na patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Isabela kung saan malaking bahagi sa mga ito ay mga empleyado ng STL operator sa kanilang lugar.
Ang mga nasabing empleyado ng STL anya ay iyong mga nagbabahay-bahay o nangongolekta ng taya.
“The same STL employees and personnel na umiikot at kumukolekta ng bets, nagbabahay-bahay sa aming probinsya. Sa ganito pong panahon ng pandemya uunahin pa ba natin ang revenue generation kaysa sa kalusugan ng bawat mamayang Isabelino?” saad ni Dy.
Paliwanag nito, kahit na naiiugnay sa operasyon ng STL ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar ay tuloy pa rin sa kanilang ginagawang operasyon ang Sahara Games na authorized agent corporation para mag-operate ng STL sa Isabela.
Nakababahala anya ang ganitong pagsasawalang bahala ng STL operator at PCSO na lantarang paglabag sa guidelines at health protocol na ipinapatupad ng IATF.
Gayunman, sinabi nito na alam niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kita lalo na ngayong panahon ng pandemya pero hindi naman aniya dapat ipagwalang-bahala ang kalusugan ng publiko.
Dagdag ni Dy, “We in Isabela believe that the lives of our fellow Isabelinos should never be compared to the income generated from the Small Town Lotteries.”