Suportado ni House Speaker Lord Allan Velascoang panukala ni National Economic and Development Authority acting Secretary Karl Kendrick Chua na isailalim sa modified general community quarantine o MGCQ ang buong bansa sa Marso.
Ayon kay Velasco, personal niyang sinasang-ayunan ang isinusulong ng NEDA na mailagay na sa MGCQ ang bansa.
Napapanahon na anyang mapaluwag ang mga COVID-19 restriction na ipinapatupad sa bansa.
Paliwanag nito, kung ire-relax ang mga restriksyon ay mababawasan ang malawak na epekto ng COVID-19 pandemic lalo na sa ekonomiya.
Sabi ni Velasco, “I personally agree with NEDA’s proposal to place the entire country under MGCQ next month. It is about time we safely relax pandemic restrictions to lessen the impact of COVID-19 on the economy.”
Dagdag ni Velasco, paparating na ang mga bakuna laban sa COVID-19 na patuloy na inaasikaso ng gobyerno.
Dahil dito, mainam na ring himukin ang mga tao na muling tangkilin ang mga negosyo at kahalintulad, basta’t matiyak na mahigpit na masusunod ang minimum health at safety protocols.
“With vaccines on the way, we should start encouraging our countrymen to patronize businesses again while strictly adhering to minimum health and safety protocols,” dagdag ni Velasco.
Kaugnay nito, sinabi ni Velasco na malaki rin ang maitutulong ng Bayanihan 3 Law upang maayudahan ang mga Pilipino at iba’t ibang sektor na naapektuhan ng pandemya.
Sa kasalukuyan, higit na sa dalawang daan ang mga kongresista na ang sumusuporta sa panukala, na ini-akda ni Velasco.