DPWH, naglaan ng P1.2-B pondo para sa pag-aaral ng 82 proyekto

Naglaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P1.23 bilyong pondo para sa pag-aaral ng 82 proyekto sa bansa.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, gagamitin ang pondo para sa ginagawang feasibility studies, preliminary and detailed engineering design, economic analysis, technical studies, at traffic impact assessment sa mga proyekto.

“On top of thousands of ongoing projects under DPWH, 82 new high-impact projects are being studied so we can further improve road network across the country,” pahayag ni Villar.

Dagdag nito, “Timely studies are crucial to successful project development as they lay the foundation for the implementation or civil works phase.”

Sa Luzon pa lamang, sinabi ng kalihim na nasa 33 ang panukalang proyekto na nakatanggap ng study funding.

Kabilang dito ang Samson Road sa NLEX Connector Link Project sa ilalim ng DPWH National Capital Region na nagkakahalaga ng P36.9 milyon at ang Alaminos-Lucap Bypass Road sa Pangasinan na nagkakahalaga ng P11 milyon sa Region 1.

Nakatanggap din ang Cordillera Administrative Region (CAR) ng P94.4 milyong pondo para sa pitong proyekto; P37.5 milyon para sa apat na proyekto sa Region 2; P60 milyon para sa apat na proyekto sa Region 3; P126.3 milyon sa pitong proyekto sa Region 4-A; P68.6 milyon para sa apat na proyekto sa Region 4-B; at P47.1 milyon para sa limang proyekto sa Region 5.

Sa Visayas naman, naglaan ang kagawaran ng pondo para sa 19 proyekto; tatlo sa Region 6 (P66.4 milyon), anim sa Region 7 (P106.2 milyon), at 10 sa Region 8 kasama ang Baybay-McArthur Road and Nabang-Gadgaran Diversion Road (P108.9 milyon).

Sa Mindanao, 29 proyekto ang nabigyan ng pondo; apat sa Region 9 (P71.4 milyon), 11 sa Region 10 (P160.4 milyon), apat sa Region 11 (P51.5 milyon), dalawa sa Region 12 (P17.4 milyon), walo sa Region 13.

Mayroon ding study funding na P17.4 milyon ang Poblacion Sta. Maria-Malungon Road, isang inter-regional road na nagkokonekta sa Davao del Sur patungong Sarangani.

Nakasailalim ang pondo sa 2021 General Appropriations Act (GAA).

Read more...