Kapabilidad ng Dito Telecommunity sa quality service pinagdudahan ng mga mambabatas

Hindi pa nawawala ang mga pagdududa ukol sa maibibigay na serbisyo ng Dito Telecommunity.

Una nang sinabi ni Sen. Grace Poe na kinakailangan na patunayan muna ng Dito ang kanilang kapabilidad na makakapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa mamamayan bago ang renewal ng kanilang prangkisa.

Idiniin ni Poe, na siyang namumuno sa Senate Committee on Public Services, na hindi maaring magpa-pressure ang mga senador sa Dito para mabigyan ng panibagong prangkisa sa katuwiran na kailangan ito para makahikayat ng mga mamumuhunan.

Pagdidiin ng senadora kailangan na mahimay muna kung matutupad ng Dito ang pangako na mas mabilis na internet connectivity hanggang sa mga liblib na barangay sa mas mababang presyo.

Kasabay nito, ang pagkuwestiyon ni Tarlac Rep. Victor Yap sa kakayahan ng Dito na makasabay sa ibinibigay na serbisyo ng dalawang higanteng telco, Globe at Smart.

Binanggit ni Yap kung makakaya ng papasok na 3rd telco na magawa o mapantayan ang inaalok na murang services rates ng Sun Cellular.

“Will Dennis Uy ignite price war like Gokongwei? Ernest Cu says Globe is ready for aggression from Dito. We’ll see how they play the game,” sabi pa ng mambabatas.

Kaugnay naman sa binabatikos na mabagal na roll-out ng Dito sa kanilang serbisyo, payo nito dapat ay mas maging agresibo pa Fil-Chinese telcom partnership dahil naghahanap ang sambayanan ng mas mabilis at magandang serbisyo.

Read more...