(Inquirer photo)
Nagpahayag ng mariing pagkundena ang Makabayan bloc sa Kamara sa tinawag nilang ilegal at marahas na “rescue operations” ng mga pulis sa mga kabataang Lumad sa Brgy. Talamban, Cebu City.
Ayon kina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Eufemia Cullamat, ilegal ang ginawang operasyon ng mga pulis sa Lumad Bakwit School sa University of San Carlos dahil sapilitang kinuha ang mga ito.
Dahil dito, iginiit ni ACT Teachers Rep. France Castro, ang pagpapalaya sa 21 Lumad na menor de edad mula Davao del Norte at iba pang mga naaresto.
Para naman kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, hindi maaring tawaging rescue operations ang marahas na aksyon ng pulisya.
Sinabi naman ni Kabataan Rep. Sarah Elago, nakakabahala ang nangyari lalo’t hindi raw makatao ang ginawang pagkuha sa mga estudyante, guro at mga nakatatanda, base sa mga lumabas na litrato at videos.
Ang mga paaralan aniya ay dapat ligtas na lugar para sa mga mag-aaral at guro, at malayo sa karahasan.