Ex-mayor na nasa ‘drug watchlist’ ni Pangulong Duterte, isa pang dating alkalde at dalawa pa patay sa ambush sa Cagayan

LGU OF LASAM FB PHOTO

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon kaugnay sa pananambang sa Lasam, Cagayan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang konsehal ng bayan, na kapwa dating alkalde, at dalawa pang empleado.

Sinabi ni Polic Brig. Gen. Crizaldo Nieves, director ng Cagayan Valley Regional Police Office, pinag-aaralan na ang lahat ng posibleng motibo sa pagpatay kina Sangguniang Bayang members Marjorie Salazar, 63 at Eduardo Asuten, 67.

Dating alkalde ng bayan si Salazar at napasama din sa ‘narco-politicians list’ ni Pangulong Duterte noong 2016 at 2019. Itinanggi niya na may kaugnayan siya sa sindikato ng droga.

Naging alkalde din ng naturang bayan si Asuten..

Nadamay din sa insidente si Aiza Manuel, 31 at personal secretary ni Salazar at ang driver na si John Apil,24.

Hindi na umabot ng buhay sa Lasam  District Hospital ang mga biktima sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Base sa ulat 11:30 ng tanghali nang maganap ang pananambang sa Barangay Ignacio B. Jurado.

Sakay ang biktima ng van nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin, na tumakas sakay ng isang asul na Hyundai Accent at isang puting Toyota Wigo.

Naglabas na ng pahayag si Mayor Dante Dexter Agatep at madiin nitong kinondena ang pagpatay kina Salazar at Asuten.

Binanggit din ni Agatep sa inilabas niyang pahayag  ang pagpatay ng isa pang lokal na opisyal ng bayan may ilang buwan pa lang ang nakakalipas.

Read more...