Cedric Lee, naghain ng ‘not guilty’ sa kasong graft

 

Matapos maudlot ng tatlong beses, natuloy na rin sa wakas ang arraignment sa kontrobersyal na negosyanteng si Cedric Lee.

Sa pagbasa ng sakdal sa 3rd division ng Sandiganbayan, naghain ng not guilty plea si Lee sa mga kasong graft at malversation.

Si Lee ay nauna nang nagpiyansa sa dalawang kaso matapos ibasura noon ng korte ang kanyang motion to quash na nagpapabasura ng mga asunto.

Samantala, ang kanyang co-accused na si dating Mariveles, Bataan Mayor Angel Peliglorio ay nauna nang nabasahan ng sakdal at naghain din ng not guilty plea.

Ang kaso nina Lee at Peliglorio ay may kaugnayan sa 23 million contract na pinasok nito sa lokal na pamahalaan ng Mariveles, Bataan para sa kontruksyon ng public market.

Nakapag advance ng 14 million pesos ang kumpanya ni Lee mula sa Mariveles pero hindi naman naitayo ang palengke.

Matatandaang naging notorious ang pangalan ni Cedric Lee makaraang madawit ito sa pangungulpi sa actor-comedian na si Vhong Navarro may ilang taon na ang nakalilipas.

Dawit din sa kontrobersiya ang ‘starlet’ na si Deniece Cornejo.

 

Read more...