‘Alisin ang food blockade sa Kidapawan’-CHR

 

Williamor Magbanua/Inquirer

Binatikos ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpigil ng lokal na pamahalaan at mga pulis sa pagpasok ng pagkain, bigas at iba pang donasyon na nakalaan sa mga magsasaka sa Kidapawan City.

Sinabi ni CHR Chair Jose Luis ‘Chito’ Gascon na maituturing na isang human rights violation kung patuloy na pipigilin ang isang indibidwal o grupo na magkaroon ng “access to food, clothes, medicine at temporary shelter”.

Giit ni Gascon, karapatan ng kahit sinuman ang tumanggap ng tulong at suporta kahit kanino man ito manggaling.

Samantala, sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na mistulang may ‘virtual martial law’ sa Kidapawan dahil pinipigilan ng mga pulis at lokal na pamahalaan na makarating sa mga magsasaka ang mga karagdagang donasyong bigas ng mga concerned citizens.

Matatandaang isa ang aktor na si Robin Padilla na nag-donate ng mahigit 200 sako ng bigas para sa mga magsasaka.

Ayon naman kay dating CHR Chair Etta Rosales, maari pang isalba ni Gov. Emmylou Mendoza at Agriculture Secretary Proseso Alcala ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtiyak na agad na mabibigyan ng ayuda ang mga magsasaka.

Samantala, nagpatawag naman ng Senate inquiry si Senador Gringo Honasan kaugnay sa madugong dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan City noong nakaraang Linggo.

Isang public hearing sa Sabado ang isasagawa sa Davao City sa pangunguna ni Senate committee on justice chairman Sen. Aquilino Pimentel III.

Hinihiling naman ni ACT-CIS Partylist Rep. Samuel Pagdilao Jr., na maglunsad ng independent investigation ang Malacañang kaugnay sa madugong insidente.

Read more...