Iginiit ni House Committee on People’s Participation Chair at San Jose del Monte Rep. Rida Robes na kailangang magkaroon ng ibang mga solusyon hinggil sa mga problema sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Robes, isa sa mga dapat tutukan ay ang pagpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pinansyal na subsidiya sa kanila para magtuloy-tuloy ang kanilang produksyon ng pagkain.
“Farmers must constantly be empowered through providing financial subsidies and seeds in order for them to productively generate our food supply,” pahayag ni Robes.
Mainam din aniya kung pagkakalooban ng pamahalaan ang mga magsasaka ng makabagong farming technology at mag-isip ng iba pang hybrid solutions, na magpapataas o magpaparami sa produksyon ng food supplies.
Giit nito, ang lahat ng magsasakang Filipino na nagsisilbing “backbone” ng food security sa bansa ay marapat na bigyang-pansin, kinalalanin at tulungan.
Kung mayroon man aniyang mahalagang aral na dinala ng pandemya sa ating bansa, ito ay ang hindi dapat pagbalewala sa food security. Pero marami pa umanong dapat gawin.
“One of the most important lessons COVID-19 has taught the country is that food security should never be taken for granted,” saad ni Robes.
Samantala, sinabi ni Robes na ang mga Filipino ay marapat ding matuto na gumawa ng paraan para magkaroon ng mga pagkain, gaya ng paggawa ng backyard farming sa kani-kanilang lugar lalo’t marami pa rin ang nasa ilalim ng community quarantine.
Dagdag ni Robes, “I believe that one should also focus on backyard farming so that all households are skilled and knowledgable on how to grow produces in their own homes, so that they will always have their respective supplies even if lockdowns would be imposed.”
Pahayag ito ni Robes kasunod ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang Food Security Summit upang matugunan ang presyuhan at suplay ng mga bilihin at pagkain sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.