Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader Janette Garin na hindi dapat gawing bansehan kung saang bansa galing ang bakuna kontra sa COVID-19.
Ayon kay Garin, ang pagkukumpara sa mga bansang pinanggagalingan ng bakuna ay isang “no-no” o hindi dapat ginagawa.
Paliwanag ng dating DOH chief na ang bakuna ay dini-develop sa iba’t ibang bansa, at hindi lamang sa iisang bansa lamang.
Inihalimbawa nito ang ginawa noon sa Wuhan, kung saan kumalap ng mga edidensya at iba pang kailangan at ipinadala sa Germany, Switzerland, Australia at iba pang parte ng Europa.
Pagkatapos nito ay ibinalik sa Wuhan para sa paggawa ng bakuna.
Bukod dito, sinabi ni Garin na walang bakuna na nagagawa sa iisang pag-aaral lamang.
Marami ring dapat na pagdaanan na mga proseso ang bakuna bago matiyak na epektibo.
Kapag aniya nag-isyu na ng emergency use authorization o EUA para sa bakuna, ibig sabihin nito ay ligtas na itong gamitin.
Naniniwala rin ito na ligtas para sa mass vaccination program ng pamahalaan ang China-made na COVID-19 vaccines.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Garin ang kahalagahan ng mga tamang impormasyon ukol sa COVID-19 vaccine, dahil makakaapekto ito sa pagbabakuna sa mga tao.