Higit 1,000 residente sa Masbate na apektado ng COVID-19 pandemic, tumanggap ng tulong mula kay Sen. Go
Binisita ni Senator Christopher “Bong” Go ang bayan ng Dimasalang sa lalawigan ng Masbate para hatiran ng tulong ang mga pamilyang nangangailangan.
Sa kabila ng hindi magandang lagay ng panahon noong Biyernes (February 5), bumiyahe ang team ng senador para madala ang tulong.
“Kanina, sinabihan ako ni Governor [Antonio Kho] na delikado daw pumunta dito dahil umuulan. Naisip ko, kung panahon na natin mawala sa mundong ito at ‘yan ang kagustuhan ng Diyos, isang karangalan ang mamatay sa pagseserbisyo sa kapwa kong Pilipino,” ayon kay Go sa kaniyang pahayag.
Sa relief efforts na idinaos sa Dimasalang Plaza, namahagi ng pagkain, food packs, vitamins, face masks, at face shields sa 1,000 mga residente mula sa iba’t ibang ng mga barangay.
May mga benepisyaryo ring tumanggap ng bagong bisikleta na maaari nilang magamit sa pagpasok sa trabaho habang ang iba ay nabigyan ng sapatos.
May mga residente ring nakatanggap ng tablets para sa kanilang mga anak na magagamit sa blended learning.
“Mga estudyante, mag-aral kayong mabuti dahil kayo ang pag-asa ng bayang ito. Edukasyon ang puhunan natin sa mundong ito. ‘Yan rin ay kunsuwelo sa inyong mga magulang na nagtatrabaho para lang makapagtapos at may kinabukasan kayo,” paalala ni Go sa mga mag-aaral.
Kasabay nito, hinikayat ng senador ang mga pasyenteng nangangailangan ng atensyong medikal na lumapit sa Malasakit Center na nasa Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial Hospital sa Sorsogon City o kaya ay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City.
Ang Malasakit Center ay one-stop shop na isinulong ni Go para matulungan ang indigent patients upang ang mga pasyenteng nangangailangan ng tulong mula sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Mayroon nang kabuuang 100 Malasakit Centers sa iba’t ibang DOH at government unit-run hospitals sa bansa.
“Huwag kayong mag-alala, mga kababayan, dahil ‘pag mayroon na pong safe at epektibong vaccine, uunahin namin ni Pangulong [Rodrigo] Duterte ‘yung mga mahihirap para makabalik na kayo sa dati ninyong pamumuhay. Libre po ito at hindi kayo mahuhuli,” sabi ni Go.
Kasama rin sa isinagawang relief efforts ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para magbigay ng tulong sa mga pamilya.
Ang mga kinatawan mula sa DSWD ay namahagi ng financial assistance sa mga benepisyaryo.
Ang Department of Trade and Industry ay nagsagawa naman ng assessment para sa mga posibleng maging beneficiaries ng livelihood assistance program nito.
Habang ang Department of Agriculture ay nagbigay ng food, cash assistance, fiberglass motorized boats, at marine cage sa mga magsasaka at mangingisda.
Tumanggap din ng suplay ng mga buti, seedlings, fertilizers at bagong recirculating dryer ang isang local farmers’ cooperative.
Pinasalamatan naman ni Go si 3rd District Representative Wilton T. Kho, Governor Kho, Vice Governor Ara Mayor T. Kho, Mayor Michael D. Naga, at Vice Mayor Wilfredo D. Lim.
“Palaging sinasabi sa akin ng ating mahal na Pangulo, ‘Bong, mahalin mo ang kapwa mong Pilipino at hinding-hindi ka magkakamali’. Kaya makakaasa kayo na magseserbisyo ako hanggang sa huling araw ng aking termino. Patuloy niyo rin sana kaming tulungan at suportahan, lalong-lalo sa aming mga kampanya laban sa korapsyon, droga, at kriminalidad,” ayon pa sa senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.