162 kongresista suportado ang Bayanihan 3 ni Speaker Velasco

Nagpahayag ng pagsuporta ang mga kongresista sa panukalang Bayanihan 3 na isinusulong ni House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo.

Ayon sa kampo ni Speaker Velasco mayroong 162 na mambabatas mula sa supermajority, minority at independent bloc sa Kamara ang nagpa-abot ng pagsuporta sa panukala.

Ito ay sa kabila ng pagiging malamig ng Palasyo sa House Bill 8628 o Bayanihan to Arise As One Act.

Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, hindi dapat magdalawang-isip ang mga kongresista na suportahan at bumoto pabor sa Bayanihan 3.

Giit ni Salceda, mahalaga at napapanahong ipasa ito lalo’t naitala ang 9.5% na pagbagsak ng Gross Domestic Product noong nakalipas na taon.

Sabi naman ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera, ang pinakabagong bersyon ng Bayanihan Law ay komprehensibo at may malinaw na diskarte para sa hangad na economic recovery mula sa epekto ng pandemya.

Para naman kay House Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan, kailangan suportahan ang panukala na siguradong makakatulong sa mga Pilipinong naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3, aabot sa P420 billion ang pondo na layong gamitin sa COVID-19 response at recovery.

Kasama rito ang P108 billion na na dagdag-ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP; at P25 billion para sa COVID-19 vaccines.

Nakapaloob din dito ang mga subsidiya para sa mga manggagawa, magsasaka; internet allowances sa mga guro at estudyante, at iba pa.

 

Read more...