Inaresto ang isang retiradong pulis matapos masangkot sa umanoy pagkidnap sa isang empleyado ng City Hall ng Navotas City.
Nakakulong ngayon sa Navotas City Detention Extension ang akusadong si Retired Police Staff Sargeant Rolando Morato, 61 anyos ng Caloocan City matapos siyang maaresto ng mga pulis sa kanyang tahanan dahil sa kasong serious illegal detention, robbery with connections to Omnibus Election at Kidnapping.
Base sa rekord na isinampa ng City Prosecutor’s Office sa Navotas Regional Trial Court, sangkot umano ang akusado sa pagdukot sa driver ng City Hall na nakilalang si Romel Sopera noong gabi ng May 13, 2019 election.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang Brgy. Chairman ng Tangos na si Wilfredo Mariano at isang abogado ng PDP Laban na si Rico De Guzman na kumandidatong kongresista noong 2019 election na kalaunan ay kapwa inabswelto ng pisklaya sa kanilang mga kaso dahil sa kakulangan ng sapat na ebedensya.
Pero paliwanag ng retiradong pulis na si Morato, pulitika umano ang dahilan ng mga kasong isinampa at walang katotohanan ang mga alegasyong kidnapping, pagnanakaw at iba pa.
Inarkila lamang umano ang kanyang sasakyan noong 2019 election para maghatid ng mga pagkain ng mga poll watchers sa mga presinto noong nakaraang halalan.
Subalit, habang sila ay naghahatid ng pagkain sa mga presinto ay may nakita umano ang kanyang mga kasamahan na namimili ng boto noon sa Brgy. Tangos kung kayat ito ay kanilang isinakay sa van upang dalhin sa Barangay.
Wala din daw siyang interes sa pulitika sa Navotas City dahil siya ay residente at rehistradong botante ng Caloocan City.
Maghahain sana siya ng kanyang pyansa noong Biyernes ngunit hindi ito nabigyan ng release order ng Office of Clerck of Court matapos umanong ipitin ang order of payment dahilan upang magtagal pa si Morato sa kulungan.
Ayon kay Morato, panggigipit lamang ito sa kanya.