Low Pressure Area magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa – PAGASA

Isang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa 3am weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 1,010 kilometro Silangan ng General Santos City, South Cotabato.

Dahil dito ang Eastern Visayas, Caraga at Davao Region ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Posible ayon sa weather bureau ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Samantala, Northeast Moonson naman o Hanging Amihan ang nakaaapekto sa Northern Luzon.

Ayon sa PAGASA, ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang mahinang pag-ulan habang ang Ilocos Region ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rains dahil sa hanging Amihan.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang maulap na himpapawid na may kasamang pag-ulan dahil sa localized thurderstorms.

Ang araw ay sumikat 6:23 ng umaga at inaasahang lulubog dakong 5:58 ng hapon.

 

Read more...