Matapos ang limang taong paglilitis, hinatulang guilty sa kasong graft at malversation of public funds ng Sandiganbayan si Janet Lim-Napoles, ang utak sa P10 bilyong pork barrel scam.
Base sa 103 pahinang desisyon ng Sandiganbayan na sinulat ni Associate Justice Edgardo Caldona, convicted din sa kaparehong kaso si dating Cagayan de Oro Congressman Constantino Jaraula, mga dating empleyado ng Technology Resource Center na sina Ma. Rosalinda Masongsong Lacsamana, Belina Concepcion at Cared president Mylene Encarnacion.
Ayon sa desisyon, tumanggap si Jaraula ng P20.8 milyon na kickback mula sa mga bogus na non-government organization ni Napoles.
Para sa kasong graft, hinatulan ang mga nabanggit ng pagkabilanggo ng anim na taon hanggang 10 taon sa bawat count ng kaso. Bawal na rin silang humawak ng anumang public office.
Ipinasasauli din sa kanila sa gobyerno ang P28 milyon.
Para sa kasong misuse of public funds, hinatulan sina Napoles, Jaraula at tatlong iba pa ng 12 hanggang 18 taong pagkakabilanggo. Pinagbabayad din sila ng P28 milyon.
Na-acquit naman sa kaso ang mga opisyal ng Department of Budget and Management na sina Rosalinda Salamida Nuñez, Lalaine Narag Paule at Marilou Dialino Bare dahil sa kakulangan ng ebidensya.