DAR, binigyan ng CLOA ang 44 kataong nagtapos ng kursong agrikultura
Binigyan ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA) ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang 44 katao na nagtapos sa mga kurso na may kaugnayan sa agrikultura.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, galing sa lalawigan ng Cagayan at Palawan ang mga nabigyan ng CLOA.
Sa ganitong paraan, ayon sa kalihim, mahihimok ang mga bata na kumuha ng kursong agrikultura.
Ito aniya ang unang pagkakataon na namigay ang ahensiya ng libreng lupa sa mga nagtapos ng agrikultura upang mabigyan sila ng pagkakataon na magamit ang kanilang propesyon sa kanilang sariling lupain at mahimok ang mga kabataan na magsaka, sapagkat ang mga magsasaka ay patanda na ng patanda, at sa may 11 milyong Pilipinong magsasaka, ang karaniwang edad ng mga ito ay nasa 57.
Ayon sa kalihim, base sa pag-aaral, ang bansa ay maaaring magkaroon ng kakulangan sa mga magsasaka kung hindi ito mabibigyan ng lunas dahil taun-taon bumababa sa 1.5 porsyento ang kanilang bilang, dahilan upang humina ang sektor ng agrikultura.
“Naniniwala ako na sa insentibo at hakbang na ito ay mapagyayaman ng ating mga graduates ang kanilang lupain dahil ito ay magsisilbing farm laboratories nila kung saan magagamit nila ang mga teorya at at magagandang kasanayan na kanilang natutunan sa mga paaralan ay mapakikinabangan naman ng milyong Pilipino dahil sa kaseguruhan ng ating mapagkukuhaan ng pagkain,” pahayag ng kalihim.
Ayon kay Castriciones, ang mga ipamamahaging lupain ay nakatiwangwang na government-owned lands (GOLs), na isinailalim sa Executive Order (EO) No. 75, Serye ng 2019 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.