Dahil hindi kapani-paniwala ang alegasyon laban sa kanya na kidnapping at serious illegal detention, ibinasura na ng isang korte sa Dipolog City ang kasong isinampa laban kay dating Zamboanga del Norte Representative Seth Frederick ‘Bullet’ Jalosjos.
Sa limang pahinang resolusyon na ipinalabas ni Judge Rene Dondoyano, ng RTC Branch 6, binigyan diin nito ang testimonya ng sinasabing biktima na si Milagros Ceriales na nagtungo ito sa Dapitan City mula Cebu City nang hindi pinipilit.
Imposible din ayon sa hukuman ang alegasyon na nakatali ang mga kamay at may piring ang mga mata dahil sumakay ito ng commercial flight.
Sa pananatili niya sa Dakak Resort ay nagawa ni Ceriales na lumabas nang walang pumipigil sa kanya at nagbabantay.
Ayon pa sa hukuman, sa pag-alis ni Ceriales sa Dakak ay hindi rin ito nag-sumbong o umuwi ng kanilang bahay para humingi ng saklolo.
Una nang pinawalang-sala ng korte noong nakaraang Disyembre 10 ang isa pang akusado na si Allan Jalosjos base na rin sa naging testimoniya ni Ceriales.
Kinilala rin ng korte ang mga inihaing mosyon ng dating mambabatas kabilang na ang hiling na ibasura ang kaso sa depensa na wala talagang basehan ang mga alegasyon.
At ayon sa hukuman, dahil sa pagpapawalang-sala kay Allan bunga ng kakulangan ng ebidensiya hindi na mapapatunayan na nagkaroon ng kutsabahan kaya’t ibinasura na ang kaso laban kay dating Rep. Jalosjos.
Ang desisyon ng korte ay inilabas noong nakaraang January 22 at kasabay nito ang pagbawi na sa warrant of arrest na inilabas noong July 29, 2020 laban sa dalawang inakusahan.