Napatay ng mga pulis ang dalawang hinihinalang terrorist-bombers dahil sa pang-aagaw ng baril sa Rajah Buayan, Maguindanao.
Inaresto, 10:00 Huwebes ng umaga (February 4, 2021), sina Rasul Dubpateg at Bhadz Dupbale dahil sa pagkakasangkot sa mga serye ng pambobomba sa Cotabato City at Central Mindanao.
Sinasabi na ang dalawa ay miyembro ng isang grupo na sumusuporta sa international terror group Dawalah Islamiyah.
Ayon kay PNP Chief Debold Sinas, ang dalawang napatay ay miyembro rin ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters – Karialan Bungos.
Aniya, sakay ng police patrol car ang dalawa at patungo sa Maguindanao Provincial Police Office nang magtangka ang mga ito na agawin ang mga baril ng mga katabing pulis.
Sa agawan, nabaril ang dalawa at isinugod sa Maguindanao Integrated Provincial Health Office ngunit kapwa nalagutan ng hininga habang ginagamot.