Binondo-Intramuros Bridge Project, target matapos sa Sept. 2021
Inanunsiyo ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na target makumpleto ang konstruskyon ng Binondo-Intramuros Bridge Project sa Maynila sa buwan ng Setyembre taong 2021.
Sa ngayon, sinabi ng kagawaran na 50 porsyento nang tapos ang naturang proyekto.
Nagsagawa ng inspeksyon si Villar upang makita ang progreso ng proyekto kasama sina Chinese Ambassador Huang Xilian, DPWH Undersecretary for Unified Project Management Office (UPMO) Operations Emil Sadain, at Project Director Virgilio C. Castillo ng DPWH UPMO Roads Management Cluster 1, araw ng Huwebes (February 4).
Sinabi ni Villar na magsisilbi itong bagong ‘iconic landscape’ na magkokonekta sa Binondo at Intramuros.
Sinisimbolo rin aniya ng disensyo ng tulay ang ‘friendly cooperation’ sa pagitan ng China at Pilipinas.
Oras na makumpleto, inaasahang maa-accommodate nito ang 30,000 sasakyan kada araw at mababawasan ang sikip ng trapiko sa pagitan ng Binondo at Intramuros.
Aabot sa P3.39 bilyon ang kabuuang halaga ng naturang proyekto na nasa ilalim ng dalawang China Aid Bridges Project kasama ang isa pang proyekto, Estrella-Pantaleon bridge na magkokonekta sa Makati at Mandaluyong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.