Sa ilalim ng House Bill 7859 o ang Free Dialysis for Senior Citizens Act of 2020 na inakda ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ornades, gagawing libre na ang anumang uri ng dialysis para sa mga nakatatanda.
Kabilang na rito ang hemodialysis, peritoneal dialysis at iba pa, na aaprubahan ng Department of Health o DOH.
Ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth naman ang magkakaloob ng reimbursement sa mga senior citizen, na ang dialysis ay ginawa sa mga accredited na ospital, at dialysis centers.
Tiwala si Ordanes na mawawala na ang pag-aalala ng mga lolo at lola na sumasailalim sa dialysis sessions dahil magiging libre na ang mga ito.
Sa ilalim anya ng circular no. 22-2015, 90 lamang mula sa 144 dialysis sessions ng isang senior citizen na pasyente ang binabayaran ng PhilHealth.
Ang ibang sesyon, kailangan nang bayaran ng pasyente, ngunit ito ay mahal at hindi kaya ng mga senior citizen lalo na ang mga mahihirap.