Nakaupong pangulo ng bansa, hindi maaring makialam sa pag-amyenda sa Saligang Batas
Iginiit ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na hindi maaaring makisawsaw ang sinumang nakaupong Pangulo sa proseso nang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ginawa ito ni Rodriguez para linawin sa mga senador na hindi totoong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para aprubahan nito ang resolusyon na nagpapanukala ng amyenda sa Konstitusyon.
Ayon kay Rodriquez, malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution na walang papel na ginagampanan ang Pangulo sa proseso nang pagpanukala at ratipika sa constitutional amendments.
Paliwanag nito, ang Senado at ang Kamara, bilang isang constituent assembly (Con-Ass), o sa pamamagitan ng constitutional convention (Con-Con), ang siyang may kapangyarihan na magpanukala ng mga amyenda sa Saligang Batas.
Ang taumbayan naman aniya ang siyang may kapangyarihan para ratipikahan o ibasura ang mga proposal na nabuo ng Con-Ass o Con-Con sa pamamagitan ng isang plebesito.
Gayunman, sinabi ng kongresista na maaari namang makaimpluwensya sa iba ang posisyon ng Pangulo sa Cha-cha.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.