Binabalak ni Napolcom Vice Chairman Vitaliano Aguirre II na mawala na sa mga lokal na opisyal ang kapangyarihan na makapamili ng mga nais nilang maging hepe ng pulisya ng kanilang lalawigan, lungsod o bayan.
Katuwiran ni Aguirre, ito ay para hindi mapolitika ang lokal na pulisya.
Paliwanag niya, sa pagpili ng mga gobernador at alkalde sa listahan ng mga maari nilang mapili para maging provincial police director o chief of police ay nagbibigay pa ng pressure sa PNP.
“This is one of the political pressures that politicians exert on the PNP. This practice is not good for the PNP because this would turn police officials to sycophants,” sabi ni Aguirre.
Matagal na rin nais ng pambansang pulisya na mawala ang naturang polisiya sa katuwiran naman na nagiging ugat ito ng katiwalian at nalalagay din sa alanganin na sitwasyon ang lokal na pulisya.
Ngunit maging sa pagsusumite ng tatlong pangalan na pagpipilian ay napapagdudahan din dahil sa ‘padrino system.’