Gusto ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na muling pag-aralan ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act.
Ayon kay Biazon, na myembro rin ng House Committee on Transportation, dapat gamitin ng komite ang oversight function para i-review ang IRR ng Child Car Seat Law.
Sumulat na ito kay House Transportation Committee chair Edgar Mary Sarmiento at hiniling na samantalahin ang pagsilip sa IRR habang ipinagpaliban ang pagpapatupad sa batas.
Naniniwala si Biazon na mayroong probisyon sa IRR na lagpas sa scope at authority ng batas kaya nagdulot ito ng kalituhan sa mamamayan lalo na sa mga magulang.
Isa sa tinukoy ni Biazon ang probisyon sa “Fitting Stations” kung saan ang ibig sabihin ay dapat epektibong maipatupad ang Section 8 ng batas o ang Certification Training Program.
Nilinaw din ng mambabatas na hindi iniuutos ng batas ang pagtatatag ng fitting stations.
Mahalaga aniyang ma-review ang IRR at tiyaking ito ay tumutugma sa nakasaad sa batas upang hindi na maulit ang kalituhan at abala sa maraming motorista.
Ang suhestyon ng kongresista ay kasunod na rin ng pagpapaliban muna sa implementasyon ng batas matapos umani ng batikos sa publiko ang paglalagay ng car o booster seat para sa mga batang edad 12 anyos pababa.