Isa ang patay sa nangyaring ammonia leak sa Navotas City, araw ng Miyerkules (February 3).
Rumesponde ang Bureau of Fire Protection NCR SRU sa bahagi ng 115 North Bay Blvd sa NBBS.
Sinabi ni Mayor Toby Tiangco na ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, humuhupa na ang amoy ng ammonia na dulot ng leak sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage.
“Umabot sa 61 po ang mga pasyenteng dinala natin sa ospital at isa sa kanila ang binawian ng buhay,” pahayag ng alkalde at dagdag pa nito, “Meron din pong mga residente na dumiretso na sa ospital. Kasalukuyan pa po nating biniberipika ang datos nito.”
Sa ngayon, naisara na aniya ang valve na nag-leak at hinihintay na lamang humupa ang amoy ng ammonia.
Sinabi ng alkalde na aabot ng dalawa hanggang tatlong oras bago humupa ang amoy sa lugar kaya nagpahanda na ng food packs para sa mga apektadong residente.
Nakaalerto pa rin ang first aid station sa nasabing lugar para sa mga nangangailangan ng tulong medikal.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa lahat ng tumulong, lalo na sa volunteers at mga kapit-lungsod na nagpadala ng mga ambulansya at fire truck.