Bago ito, inaprubahan ng bicameral conference committee ang napagkasunduang bersyon ng CREATE bill (House Bill 4157 at Senate Bill 1357), na dating tinatawag na Corporate Income Tax and Incentives Reform Act o CITIRA.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda, nagkasundo rin ang Senado at Kamara na maratipikahan ang panukala.
Layunin ng panukala na pagbutihin ang incentives at tax regime para sa mga negosyo sa bansa.
Ika niya, ang CREATE Act ang siyang “greatest economic reform” sa post-EDSA years, sunod sa itinutulak na economic Charter Change o Cha-Cha.
Bukod sa pagbangon ng ekonomiya, inaasahang magreresulta rin ito ng 1.8 milyong trabaho sa susunod na 10 taon.
Kung sasabayan pa aniya ng economic amendments sa Saligang Batas, aabot sa 8.4 milyong trabaho ang malilikha nito.
Dagdag ni Salceda, sa CREATE Act ay matutuldukan ang investor uncertainty sa fiscal regime ng ating bansa.
Higit sa lahat, sa CREATE Act ay makakatulong sa bansa mula sa economic gap o naging epekto ng COVID-19 pandemic.
Nakapaloob dito ang VAT exemptions para sa COVID-19 vaccines, PPE components at mga gamot para sa COVID-19 at iba pang karamdaman.