Libreng bakuna ng DOH kontra dengue, simula na ngayong araw

 

Inquirer file photo

Ngayong araw na ang nakatakdang pagsisimula ng pamimigay ng Department of Health (DOH) ng libreng bakuna kontra dengue sa mga public school students.

Kasabay nito, nagbigay ng ilang mga paalala ang DOH sa mga guro at magulang na aalalay sa mga bata bago at pagkatapos ng pagtuturok ng bakuna sa kanila, at ano ang mga dapat gawin sakaling lumabas ang mga ito sa pasyente.

Ayon sa DOH, posibleng makaranas ng mga mild side effects ang mga bata pagkatapos maturukan ng gamot na Dengxavia.

Kasama sa mga binabantayang posibleng side effects ay pananakit ng ulo at pagkakaroon ng lagnat at rashes.

Base rin sa abiso ng DOH, dapat na gawing komportable ang pakiramdam, painumin ng maraming tubig at ng gamot ang mga makakaranas ng lagnat at sakit ng ulo.

Dapat namang dalhin agad sa ospital o clinic para sa konsultasyon ang batang lalabasan ng mga rashes, at para naman sa pamamaga ng pinagturukan ng bakuna, maiging lapatan ito ng warm compress.

At dahil mga bata ang tuturukan ng bakuna, inaasahang marami sa kanila ang posibleng himatayin dahil sa takot, kaya pinayuhan din ang mga guro na pakainin muna ang mga estudyante at bigyan sila ng komportableng lugar na paghihintayan para kumalma.

Isa pang paalala ng DOH na ang nasabing dengue vaccine ay ibibigay lamang sa mga Grade 4 students sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon na may edad siyam na taon pataas.

Read more...