Rally, ikakasa ngayong araw bilang suporta sa mga nasaktang pulis ng Kidapawan City
Ilang araw matapos ang madugong dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato na ikinasawi ng dalawang magsasaka at ikinasugat ng ilang mga pulis, maglulunsad naman ng kanilang sariling rally ang mga residente sa naturang lalawigan.
Gayunman, ang rally ngayong araw ay bilang pagpapakita ng suporta sa mga alagad ng batas at mga residente nabahala sanhi ng naturang insidente.
Ayon kay North Cotabato governor Emmylou Taliño-Mendoza, ang rally ay bilang pagpapakita ng suporta ng mga residente sa mga alagad ng batas na nasaktan sa dispersal.
Marami aniyang residente ng North Cotabato ang nasasaktan sa dami ng mga negatibong balitang lumalabas sa Facebook at iba pang social media sites na sinisisi ang lokal na pamahalaan sa mga pangyayari.
Marami aniya ang sinisiraan ang mga ginawang kontribyusyon ng lokal na pamahalaan upang mapayapang ayusin ang barikada ng mga magsasaka kaya’t upang ipakita ang kanilang suporta, maglulunsad ng mapayapang rally ang mga residente bukas.
Gayunman, kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang hakbang na ito ng lokal na pamahalaan ng North Cotabato.
Giit ni Jerry Alborme, tagapagsalita ng KMP-North Cotabato, sa halip na gastusan ng lokal na pamahalaan ang naturang rally, dapat ay ibigay na lamang ang gagamiting pondo sa mga nagugutom na magsasaka.
Ayon pa kay Alborme, mistulang mas interesado pa ang gobernadora na ayusin ang kanyang nasirang imahe sa halip na lutasin ang tunay na problema ng mga magsasaka sa kanyang lalawigan.
Mariing itinanggi naman ni Gov. Mendoza na sila ang may pasimuno ng ng rally bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.