Nagsagawa umano ng biglaang checkpoint ang New People’s Army nang harangin ng mga ito ang ilang mga lansangan sa Northern Mindanao, Linggo ng umaga.
Ayon kay Police Supt. Surki Sereñas Public Information Officer ng Northen Mindanao, halos magkasabay hinarangan ng mga armadong suspek ang mga lansangan sa Barangay Kapitan Bayong, Impasug-ong sa Bukidnon at Barangay Mandahilag, Talisayan sa Misamis Oriental.
Bagama’t tumagal lamang ng 20 minuto ang panghaharang ng mga rebelde, ilang mga motorista naman ang sinasabing naperwisyo sa mga iligal na pagche-checkpoint ng mga ito.
May ilan pang mga ulat na nagkalat ng mga spikes ang mga rebelde sa mga lansangan upang butasin ang gulong ng mga sasakyang dumadaan.
Dalawang pulis naman ang naharang at sapilitang tinangay ng mga rebelde sa checkpoint sa Talisayan ngunit pinawalan din kalaunan.
Nagpakalat pa umano ng mga leaflets ang mga rebelde na iginigiit ang kanilang paghingi ng ‘permit to campaign fee’ sa mga kandidato.
Agad namang naglunsad ng pursuit operations ang mga otoridad upang tugisin ang mga rebelde.
Nagpadala na rin ng karagdagang puwersa ang mga otoridad sa Kapitan Bayong at Mandahilag upang bantayan ang lugar.