Aberya sa COVID-19 vaccination ng pamahalaan, ikinabahala

Ikinabahala ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang posibilidad na malagay sa alanganin ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Ito, ayon kay Zarate, ay matapos ipinapasa sa LGUs ang halos lahat ng paghahanda sa programa.

Sa isinagawang briefing ng Minorya kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF), lumalabas na nakasentro lamang ang national government sa pagpili at procurement ng bakuna pero ang kabuuang implementasyon ng vaccination program ay iiwan sa LGUs at private sector kung saan kasama ang hiring ng personnel at paglalagay ng vaccination sites.

Kung halos lahat aniya ng paghahanda ay ipauubaya sa LGUs ay hindi malabong magkaroon ng mismanagement at hindi maging epektibo ang ilalatag na programa sa COVID-19 vaccine.

Giit ni Zarate, hindi naman lahat ng LGUs ay katulad ng Manila City, Quezon City at Pasig City na mayroong resources, pondo at nakahanda sa isasagawang immunization program.

Mas marami aniyang local government ang walang kapasidad at kakayahan na magpatupad ng malawakang inoculation program.

Tiyak aniyang mahihirapan ang karamihan sa LGUs na makamit ang target immunization para sa 50 hanggang 70 milyong Pilipino sa katapusan ng 2021 at maaapektuhan dito ang early herd immunity level na nais makuha ng pamahalaan.

Read more...