Sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City binuksan ang ika-100 Malasakit Center.
Pinangunahan nina Sen. Christopher Go at Health Sec. Francisco Duque III ang pagpapasinaya kasabay na rin ng paggunita ng ika-tatlong anibersaryo ng one-stop shop medical assistance center.
Ang unang Malasakit Center na binuksan noong 2017 ay sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.
Ayon kay Go, nabuo ang pagbubukas ng Malasakit Center noong nagsisilbi pang alkalde ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte nang may mga nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang nagpupunta sa kanya para humingi ng tulong-pinansiyal para sa kanilang pagpapagamot.
“Nadudurog ang puso ni Mayor Duterte kapag may humihingi sa kanya ng tulong mula sa ibang lugar kayat ako mismo ang inuutusan niya na gumawa ng paraan dahil katuwiran niya Filipino ang nangangailangan,” kuwento nito.
Sa ngayon, may 58 ospital ng mga lokal na pamahalaan ang may Malasakit Center, 40 ospital ng DOH, isa sa isang state college at isa sa isang military hospital.
Sa 100 Malasakit Centers, 54 ang nasa Luzon, 22 sa Visayas at 24 sa Mindanao.
Nabanggit ni Go na sa tatlong taong nakalipas higit dalawang milyong Filipino na ang natulungan ng Malasakit Center.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.