Sa ilalim ng CREATE, ibababa ang corporate income tax mula sa 30 percent at gagawin itong 25 percent para sa mga large corporation at 20 percent naman para sa mga small and medium corporation na mayroong net taxable income na mababa sa P5 million at total assets na mas mababa sa P100 million.
Magkakaroon din ng hanggang 17 taong incentives para sa exporters habang apat hanggang pitong taon naman na income tax holiday at 10 taong special corporate income tax holiday para sa critical domestic enterprises.
Hanggang 12 taong incentives kasama ang apat hanggang pitong taong income tax holiday at limang taong special corporate income tax holiday ang ibibigay sa mga negosyo na may investment capital na hindi bababa sa P500 million o kaya naman ay limang taong enhanced deductions.
Kapag naging batas, ibaba rin ng panukala ang minimum corporate income tax mula sa 2 percent patungo sa 1 percent simula July 1, 2021 hanggang June 30, 2023.
Ang non-profit educational institutions at mga ospital ay magbabayad na lamang ng 1 percent corporate income tax rate mula sa kasalukuyang 10 percent simula July 1, 2021 hanggang June 30, 2023.
Kasama rin dito ang pagbaba ng buwis para sa mga maliliit na negosyo na may benta na mababa sa P3 millon, mula sa 3 percent tax sa kanilang gross sales at 1 percent na lamang ang babayaran.
Nakasaad din sa panukala na bibigyan ng karagdagang tatlong taon na income tax holiday ang mga negosyo na lilipat mula sa Metro Manila patungo sa mga lalawigan.
Ang mga negosyo namang itatayo sa mga lugar na tumatayo mula sa disaster at karahasan ay magkakaroon ng karagdagang dalawang taon na income tax holiday.
Simula naman sa January 1, 2021 ay exempted sa pagbabayad ng value added tax o VAT ang mga gamot sa cancer, mental illness, tuberculosis at kidney diseases.
Wala ring babayarang VAT at duty-free ang mga aangkating bakuna laban sa COVID-19.
Ang mga inangkat at ibebentang gamot kontra sa COVID-19 at personal protective equipment o PPE at libre rin sa VAT hanggang December 2023.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, layunin nito ng pagbutihin ang pagnenegosyo sa bansa.
Marami din aniyang mga investor ang mahihikayat na magtayo ng negosyo sa Pilipinas dahil dito.