Sapat na supply ng kuryente, dapat tiyakin kapag nagsimula na ang pagbabakuna vs COVID-19

Nais masiguro ng isang mambabatas mula sa pamahalaan at power sector na walang magaganap na brownouts kapag nagsimula na ang COVID-19 vaccination sa bansa.

Ayon kay Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, kailangang matiyak ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, National Electrification of the Philippines o NEA, National Power Corporation o NAPOCOR at lahat ng mga power distributor sa bansa na mayroong maayos at maaasahang suplay kuryente sa kasagsagan ng pagbabakuna kontra COVID-19.

Paliwanag ni Herrera, importante na may kuryente sa panahon ng pagbabakuna dahil sa kailangan ito para sa cold chains at storage kung saan ilalagak ang mga COVID-19 vaccine.

Hindi aniya maaaring masira ang mga bakuna nang dahil sa kawalan ng kuryente o brownouts.

Nag-aalala rin si Herrera para sa ilang mga lalawigan, isla at liblib o malalayong lugar gaya sa bahagi ng Bicol, Mindaro at sa Visayas region na madalas aniyang mayroong brownouts at patuloy na na problema ang kuryente.

Dagdag ng kongresista, papalapit na ang summer season o panahon ng tag-init, kung kailan pa namang inaasahang darating ang unang batch ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Read more...